Pagtatalaga kay Abalos bilang sunod na DILG secretary, welcome kay Año

Welcome kay Interior Secretary Eduardo Año ang planong pagtatalaga kay dating Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman Benhur Abalos Jr., bilang kanyang successor.

Ayon sa kalihim, nakatrabaho na niya si Abalos nitong panahon ng pandemya ay nakita niya kung paanong mahusay nitong pinamunuan ang COVID-19 response sa National Capital Region na nagresulta ng pagbaba ng kaso ng virus gayundin ang matagumpay na rollout ng pagbabakuna sa rehiyon.

Sabi pa ni Año, ang karanasan ni Abalos bilang dating alkalde ng Mandaluyong at chairman ng MMDA ay makakatulong sa pamumuno niya sa Department of the Interior and Local Government (DILG).


Umaasa rin siya na ipagpapatuloy nito ang kampanya ng ahensya laban sa kriminalidad, iligal na droga, korapsyon at terorismo.

Biyernes nang ianunsyo ng kampo ni presumptive president Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang planong pagtatalaga kay Abalos bilang susunod na DILG secretary.

Nagbitiw bilang MMDA chairman si Abalos para magsilbing campaign manager ni Marcos.

Facebook Comments