Dinepensahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang pagtatalaga kay General Andres Centino bilang pinuno ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Paliwanag ng pangulo, ibinalik niya sa posisyon si Centino para bigyang-katwiran ang seniority sa militar at maiwasan ang anumang kalituhan.
Si Centino ay four-star general habang three-star general naman si Bartolome Bacarro na limang buwan pa lang na nagsisilbing AFP chief bago pinalitan.
Nagbitiw naman bilang officer-in-charge ng Department of National Defense (DND) si Jose Faustino Jr. matapos na hindi umano naipaalam sa kanya ang appointment ni Centino.
Tiwala naman si Pangulong Marcos sa malawak na karanasan ni Presidential Peace Adviser Carlito Galvez Jr. para pamunuan ang DND kapalit ni Faustino.
Nag-komento rin ang pangulo hinggil sa pagbibitiw ni Prof. Clarita Carlos bilang National Security Adviser.
Aniya, maaaring nakita ni Carlos na masyadong pulitikal ang posisyon at hindi siya sanay dito bilang isang retired academic.
Si Carlos ay pinalitan ni dating Interior Secretary Eduardo Año.