Pagtatalaga kay dating PNP Chief Cascolan sa DOH, idinepensa ni dating Health Secretary Janette Garin

Suportado ni dating health secretary at ngayon ay Iloilo Rep. Janette Garin ang pagtatalaga kay dating Philippine National Police (PNP) Chief General Camilo Cascolan bilang Undersecretary ng Department of Health.

Diin ni Garin, hindi lang mga doktor at scientist ang pwedeng maghatid ng serbisyong pangkalusugan lalo na sa grassroots level.

Ayon kay Garin, kailangan din ang non-medical managers para magpatupad ng kaayusan at mga programa sa DOH.


Naniniwala si Garin na ang management skills ni General Cascolan ay nasubukan na sa mahabang taon at wala ring bahid ang pagseserbisyo nito sa publiko.

Kumbinsido si Garin na makakatulong si Cascolan sa mabilis na pagtugon sa mga kalamidad at sa organisadong pagpapatupad ng mga programa sa sektor ng kalusugan gayundin sa logistics at planning.

Bunsod nito ay nirerespeto ni Garin ang pasya ng ehekutibo kaugnay kay Cascolan na tiyak aniyang pinag-aralang mabuti sa layuning makatugon agad ang gobyerno sa mga pangangailangan ng mamamayan.

Facebook Comments