Ikinukunsidera na umano ni Pangulong Bongbong Marcos ang pagtatalaga ng kalihim sa Department of Agriculture (DA).
Ito ang inihayag ni Executive Secretary Lucas Bersamin nang humarap ito at matanong ng panel ng Commission on Appointments (CA) para sa kumpirmasyon sa kaniyang ad interim appointment.
Sinabi ni Bersamin na may mga seryosong ikinukunsidera na ang pangulo para mamuno sa DA bilang permanent o regular basis.
Ngunit sa ngayon aniya ay wala pang abiso si Pangulong Marcos na handa na siyang mag-anunsyo ng kaniyang desisyon.
Sa kasalukuyan, sinabi ni Bersamin na ang DA ay pinangangasiwaan muna ng pangulo at ng undersecretaries para sa araw-araw na gawain sa Kagawaran.
Kahit wala pang kalihim ang ahensya ay inaaksyunan naman ng pangulo ang mga isyu sa food production at food security katuwang ang buong gabinete.