Pagtatalaga ng permanenteng kalihim sa DA, napapanahon na ngayong nalalapit na ang ika-1 taong panunungkulan ni PBBM

Umapela na ang ilang senador sa mayorya kay Pangulong Bongbong Marcos na pumili na ito ng permanenteng kalihim ng Department of Agriculture (DA) ngayong mag-iisang taon na sa panunungkulan ang presidente sa June 30.

Ayon kay Senator Jinggoy Estrada, sa loob ng isang taong panunungkulan ni PBBM ay kuntento siya sa performance ng pangulo at patunay rito ang maraming proyektong natupad na bahagi ng campaign promises nito.

Pero kung siya ang tatanungin ay kailangan ng pumili ni Pangulong Marcos ng permanenteng Agriculture secretary.


Paliwanag ni Estrada, bilang presidente ay tambak na ito ng trabaho at napapanahon na rin para magtalaga ito ng Kalihim upang mas matutukan ang mga pangangailangan at problemang kinakaharap ng ahensya.

Samantala, sa panig naman ng Minorya sa Senado, naniniwala si Senate Minority Leader Koko Pimentel na walang umusad o naresolbang problema ang Presidente sa agriculture sector sa loob ng isang taon nito.

Katunayan aniya, sa usapin lang ng asukal ay dalawang beses na nagkaroon ng kontrobersiya ang tanggapan ng Pangulo wala pang isang taon ang panunungkulan nito.

Dagdag pa ni Pimentel, talamak pa rin ang smuggling ng mga produktong agrikultural, mataas pa rin ang presyo ng sibuyas at iba pang pangunahing food items na hindi na kakayaning mabili ng isang ordinaryong mamamayan at problema pa rin ang inflation.

Naniniwala si Pimentel na malaking tulong para kay PBBM sa pagresolba ng problema sa agrikultura kung magtatalaga na ito sa lalong madaling panahon ng regular na kalihim ng DA.

Facebook Comments