Pinag-aaralan ng Department of Justice na magtalaga ng Senior Investigating Officers mula sa Office of the Ombudsman sa mga ahensiya ng gobyerno.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, ito ay upang mas mapabilis ang mga isinasagawang imbestigasyon sa mga opisyal ng gobyerno na hinihinalang sangkot sa katiwalian.
Paliwanag ni Guevarra, sa loob lamang ng dalawang linggo ay umabot na sa 60 ang natanggap nilang reklamo kaugnay sa kurapsyon sa iba’t ibang ahensiya.
Kabilang dito ang Bureau of Customs, Department of Transportation, Department of Health, Philippine Insurance Corporation (PhilHealth) at maging sa Local Government Units.
Dagdag ng kalihim, sumulat na sila sa mga ahensiya upang humiling na magkaroon ng “anti-corruption mechanisms” na makikipag ugnayan sa nauna nang binuong task force.
Ang mga matatanggap umano nilang reklamo ay ire-refer sa Operations Center Evaluation Committee para malaman ang complaints na ipa-prayoridad ng special investigation teams.
Matatandaang binigyan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang task force hanggang hunyo 30 2022 para masugpo ang problema ng korapsyon sa gobyerno.