Pagtatalaga ng special envoy na makikipag-usap sa matataas na opisyal ng China, iminungkahi ng isang kongresista

Iminungkahi ni Bukidnon Second District Representative Jonathan Keith Flores sa gobyerno na magtalaga ng isang special envoy na sIyang makikipag-usap sa ministers at mga opisyal ng foreign affairs, militar at coast guard ng China.

Ayon kay Flores, pwedeng isagawa ang pulong sa matataas na opisyal ng China sa mga bansang kasapi ng Association of Southeast Asian Nations o ASEAN tulad ng Thailand at Cambodia.

Layunin ng suhestyon ni Flores na mapahupa ang tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China kaugnay sa isyu ng agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea.


Naniniwala si Flores na ang kanyang mungkahi ay daan para mapahinto ang agresibong mga aktibidad ng Chinese Coast Guard at militia ships at upang maikasa din ang bilateral talks para sa pagbuo ng isang fisheries and marine life agreement.

Sabi ni Flores, target nito na maproteksyunan ang interes ng fisheries sector at upang mapigilan ang pagpinsala sa corals, reefs, shoals, habitats at mga isla.

Facebook Comments