
Naghain ng petisyon sa Korte Suprema ang isang grupo para kuwestiyunin ang pagtatalaga sa ilang opisyal ng Bangsamoro Transition Authority (BTA).
Batay sa Petition for Certoriari and Mandamus na inihain ng Save Bangsamoro Government, partikular na kinuwestiyon kung naaayon sa batas ang appointment sa anim na BTA members kabilang na si Interim Chief Minister Abdulraof Macacua.
Ayon sa petitioners, tungkulin ng Kataas-taasang Hukuman na kuwestiyunin kung hanggang saan ang saklaw ng appointing powers sa isang transitional government.
Wala anilang halong pulitika ang paghahain ng petisyon kundi para ipagtangol ang Konstitusyon, Bangsamoro Organic Law, at ang integridad ng Bangsamoro transition.
Sinabi naman ni Atty. Badrudin Mangindra na kakaunti ngayon ang mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front na bahagi ng parliament sa kabila ng nakasaad sa batas na dapat sila ang may pinakamaraming miyembro.
Sinabi pa ng petitioners na ang kapayapaan sa Bangsamoro ay nakuha sa pamamagitan ng legal, pagiging balanse at pagkakaroon ng accountability kaya maaaring humina ang tiwala ng publiko sakaling hindi ito masunod.










