Pagtatambal nina Pangulong Duterte at VP Leni Robredo para sa isang infomercial, ipinanawagan ng isang Senador

Nanawagan si Senator Joel Villanueva sa pagtatambal nina Pangulong Rodrigo Duterte at Vice President Leni Robredo para sa isang infomercial na manghihikayat sa publiko upang magpabakuna kontra COVID-19.

Ayon kay Villanueva, tila magiging mabisa kung maglalabas ng isang joint public service announcement ang Pangulo at ang Bise Pangulo upang makumbinse ang malaking populasyon ng mga Pilipino na ligtas at epektibo ang bakuna.

Habang maituturing rin aniyang malakas na pangontra ang tambalang ito sa fake news dahil pawang nabakunahan na ang dalawa kung saan Sinopharm ang itinurok kay Pangulong Duterte habang AstraZeneca naman ang kay VP Leni.


Sa ngayon, maging si Villanueva ay nag-aalangan na rin kung magiging epektibo ang inilabas na kautusang huwag sabihin ang brand na gagamitin sa pagbabakuna kontra COVID-19.

Hindi kasi aniya ito gagana dahil walang adbokasiyang inihahanda at ipinapakalat ang gobyerno upang magkaroon ng isang-daang porsyentong tiwala ang publiko sa bakuna.

Facebook Comments