Pagtatangka ng MORE Power na patahimikin ang mga consumer, inalmahan ng isang kongresista

Binakbakan ng isang kongresista ang More Electric and Power Corporation (MORE Power) dahil sa ilang pagtatangka nito na patahimikin ang mga electric consumers sa Iloilo City sa kabila ng patung-patong na reklamo na kinakaharap nito.

Ang balak na pagpapatahimik sa mga consumers ay bunsod na rin ng posibleng paglabag ng MORE sa itinakda ng Energy Regulatory Commission (ERC) na 6.25% cap sa excess system loss charges.

Ayon kay AKO BISAYA Party-List Representative Sonny Lagon, patuloy ang MORE sa panlilinlang sa mga consumers sa halip na tugunan ang mga problema na kinakaharap ng naturang kumpanya.


Giit ng mambabatas, hanggang ngayon ay wala itong sariling pasilidad ngunit pinayagang i-take over ang power distribution sa Iloilo City.

Dahil aniya sa hindi tamang serbisyo ay mga consumer naman ang nahihirapan.

Batay naman sa Koalisyon Bantay Kuryente (KBK), inendorso ng MORE ang registration ng huwad na consumer advocacy group para pigilan ang pag-alma ng mga Ilonggo sa P20.9 million na overbilling na nagresulta naman sa paglabag nito sa itinatakdang excess system loss charges ng ERC.

Kinalampag din ni Lagon ang Kamara na madaliin ang congressional probe sa ilalim ng inihaing House Resolution 785 na nagpapaimbestiga sa sitwasyon ng power distribution sa Iloilo City.

Facebook Comments