Pagtatapos ng COVID-19 at Mpox, bilang global health emergency sa 2023, inaasahan ng DOH

Umaasa ang Department of Health (DOH) na hindi na magiging public health emergency ang COVID-19 at Mpox o monkeypox sa 2023.

Ayon kay DOH Officer-in-Charge Maria Rosario Vergeire, ito ay kasunod na rin ng pagbaba ng COVID-19 death toll sa buong mundo, gayundin ang posibilidad na alisin na ng World Health Organization (WHO) ang dalawang sakit bilang global health emergency.

Gayunpaman, sinabi ni Vergeire na dapat pa ring mag-ingat ang publiko at titingnan pa ng ahensya kung patuloy na bumababa ang namamatay sa COVID.


Sa ngayon kasi ay tumataas aniya ang kaso ng virus sa bansa dahil marami sa mga may sintomas nito ay mas pinipiling mag-antigen test o mag self-isolate na lamang, sa halip na magpakonsulta sa doktor.

Pero sa kabila nito, tiniyak ng DOH na hindi maikokonsiderang kritikal ang bilang ng COVID-19 sa bansa dahil manageable pa ang mga kaso sa ospital.

Samantala, pagdating naman sa Mpox, iniulat ni Vergeire na aapat lamang ang naitalang kaso nito sa Pilipinas at na-discharge na ang pinakahuling kaso nito noong September 15, habang nananatili namang mababa ang mortality rate nito sa buong mundo, kung saan nasa 65 ang napaulat na nasawi sa sakit.

Facebook Comments