Pinaiimbestigahan ni Laguna Rep. Dan Fernandez sa Mababang Kapulungan ang “termination” o pagtatapos ng power supply agreement sa pagitan ng San Miguel Corporation o SMC Global Power at Manila Electric Company o Meralco.
Ang hirit na pagdinig ay nakapaloob sa House Resolution 602 na inihain ni Fernandez sa harap ng pangamba na magdulot ito ng pagtaas ng singil ng kuryente na makakakapekto sa milyong-milyong consumers.
Ang hakbang ni Fernandez ay kasunod ng pahayag ni SMC President Ramon Ang na titigil na sa pagsu-supply ng 670 megawatts ng kuryente ang SMC Global Power sa Meralco simula nitong Dec. 7, 2022.
Ayon kay Fernandez, sa pagdinig ay target ding masilip kung mayroong “economic sabotage” sa pagtigil ng SMC ng supply ng kuryente sa Meralco.
Dagdag pa ni Fernandez, inaasahang matutukoy rin sa pagdinig kung nagkaroon ng kapabayaan sa panig ng Energy Regulatory Commission o ERC.