Pagtatatag ng COVID-19 testing centers sa Mindanao, pinamamadali ng isang mambabatas sa DOH

Kinalampag na rin ng isang Mindanaoan Congressman ang Department of Health (DOH) na tulungan ang mga Local Government Units (LGUs) sa pagtatatag ng mga COVID-19 screening centers sa buong bansa.

Kasunod ng panawagan na ito ay hiniling ni Deputy Majority Leader at Zamboanga Sibugay Rep. Wilter “Sharky” Palma III sa DOH na madaliin ang pagbibigay otorisasyon sa lahat ng regional hospitals sa Mindanao na gawing testing centers.

Sa ganitong paraan aniya ay magiging accessible na sa mga taga-Mindanao ang pagsasailalim sa screening sa COVID-19 at makakatulong din ito sa pamahalaan para mabawasan pagkalat ng sakit.


Sa kabila, aniya, ng efforts ng pamahalaan, malaki ang posibilidad na may mga indibidwal ang hindi alam na carrier sila ng virus at naipapasa na pala nila ito sa maraming tao dahil sa kawalan ng laboratories at testing centers sa buong bansa.

Duda rin ang mambabatas na mas mataas pa ang bilang ng mga kaso ng coronavirus sa bansa na hindi lamang agad naitatala bunsod na rin ng delayed testing.

Sinabi pa nito na walang dahilan ang DOH para ipagkait ang application ng mga local officials na magtatag ng laboratory at testing centers lalo na kung sumusunod naman ito sa standards na itinatakda ng ahensya.

Kinalampag din ni Palma ang pamahalaan na aprubahan na ang application ng Zamboanga City Medical Center (ZCMC) at ang paggamit ng facility ng Department of Agriculture sa Region 9 na kayang makatukoy ng Polymerase Chain Reaction (PCR) para sa pag-diagnose ng COVID-19.

Sa kasalukuyan ay tanging ang Philippines Medical Center sa Davao City ang binigyan ng accredited facility ng World Health Organization (WHO) para sa pagsasagawa ng tests sa COVID-19 sa Mindanao region.

Facebook Comments