Manila, Philippiens – Mariing tinututulan ni Buhay PL Rep. Lito Atienza ang pagbuo ng hiwalay na Department of Housing para sa mga proyektong pabahay sa mga mahihirap.
Paliwanag ni Atienza, kakailanganin ng isang taon para maisaayos ang departamento at mapag-aralan ang buong sistema.
Pangalawa, sinabi pa ng kongresista na magkakaroon pa ng pagtatalaga sa mga posisyon sa bagong ahensya.
Ipinunto pa ni Atienza na kapag bumuo ng panibagong ahensya para sa housing ay tiyak na babagal lamang ang trabaho dito.
Dagdag pa ni Atienza, ang kailangang gawin ng gobyerno ay suportahan at pondohan ng maayos ang housing sector dahil ang lahat naman ng tanggapan para dito ay naka-setup na.
Giit nito, trabaho na ng National Housing Authority ang pag-aasikaso sa pabahay para sa mga mahihirap, habang ang National Home Mortgage Finance Corporation (NHMFC) at Housing and Land Use Regulatory Board (HLURB) ay nakatuon naman sa monitoring at supervision na ang mga housing projects ay naaayon sa batas.