Hinikayat ni Ang Probinsyano Partylist Representative Ronnie Ong ang Department of Education (DepEd) na magtatag ng mas maraming E-Learning centers sa buong bansa kasunod ng napipintong pagbubukas ng klase sa October 5, 2020.
Naniniwala si Ong na ang mga E-Skwela hubs ang tugon sa kakulangan ng gadgets at kawalan ng internet access sa maraming mga lugar sa bansa.
Giit ni Ong, kahit pa naipagpaliban noong Agosto ang pasukan, hindi pa rin aniya “fully equipped” ang ahensya para magsagawa ng blended learning at makapagbigay ng dekalidad na edukasyon para sa lahat.
Inirekomenda ng kongresista sa ahensya na maaari nitong kopyahin ang kanilang inilunsad na proyekto na E-Skwela hubs kung saan maaaring i-tap ang mga pribadong sektor at mga Local Government Unit (LGU) para makapagtatag ng E-Learning centers lalong-lalo na sa mga malalayong barangay.
Sinabi ng mambabatas na kung nais ng DepEd na makapagbigay ng dekalidad na edukasyon sa gitna ng pandemya ay nangangailangan ang bansa ng isang E-Learning center sa bawat barangay.
Iginiit pa ng kongresista na sa kabila ng mga panawagan na gawing “gap year” o ipagpaliban muna ang pasukan ngayong taon dahil sa COVID-19 ay ipinilit pa rin ng ahensya ang pasukan kaya dapat na gawin ng DepEd ang lahat ng makakaya upang maibigay sa mga estudyante at mga guro ang kinakailangan na free access sa computers at internet.
Sa kasalukuyan ay nakapagtatag naman si Ong ng siyam na E-Learning centers sa Baguio, Manila, Pasig, Danao at Tuburan sa Cebu, at sa apat na munisipalidad ng Poro, Pilar, Tudela, at San Francisco sa Camotes Islands.