Isasalang na sa pagtalakay sa plenaryo ang panukala para sa pagtatatag ng Overseas Filipino Workers (OFW) centers sa buong bansa.
Ito’y matapos aprubahan ng House Committee on Overseas Workers Affairs na pinamumunuan ni TUCP Partylist Rep. Raymond Democrito Mendoza ang substitute bill na layong maglunsad ng regional at provincial OFW centers na tutugon sa pangangailangan ng mga Pinoy na overseas workers.
Kaugnay dito ay magtatatag ng Regional One-Stop Service Centers for OFWs (ROSSCO) sa bawat sulok ng bansa kung saan pabibilisin dito ang serbisyo ng gobyerno at pagpoproseso ng lahat ng documentary requirements na kakailanganin para makapagtrabaho sa abroad.
Sa ganitong paraan ay mapapadali ang pagkumpleto ng mga OFWs sa mga kailangang dokumento na hindi na kakailanganing lumuwas sa kanilang mga probinsya.
Inaasahang agad na maaaprubahan sa ikalawang pagbasa ang nasabing panukala.