Pagtatatag ng Philippine Medical Academy at full scholarship sa pagmemedisina, isinusulong sa Kamara

Manila, Philippines – Isinusulong ni Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo ang pagkakaroon ng Philippine Medical Academy (PMA) sa bansa.

Sa ilalim ng House Bill 3586 na inihain ni Arroyo, layunin ng panukala na makahimok ng mga doktor sa malalayong lalawigan.

Maraming ospital sa mga probinsya at munisipalidad ang kulang sa doktor at isa sa dahilan ay ang mahal na singil sa pagaaral ng medisina.


Nakasaad sa panukala ang pagtatayo ng medical academy at pagkakaroon ng Philippine Medical Scholarship Program na makakahikayat naman para sa mas maraming estudyanteng kukuha ng medisina.

Makakatulong ang scholarship program sa mga medical students na matapos ang kanilang kurso lalo na sa mga mag-aaral na nais mag-doktor pero kinakapos sa pampaaral.

Sakop naman ng scholarship program para sa mga medical students ang lahat ng gastusin sa pag-aaral tulad ng matrikula, textbooks, supplies and equipment, board and lodging, uniporme, traveling expenses at iba pang miscellaneous fees.

Nasa 50 PMA scholars naman ang pipiliin sa buong bansa kada taon.

Facebook Comments