Pagtatatag ng Virology Institute of the Philippines at Center for Disease Control and Prevention, pinagtibay na sa huling pagbasa sa Kamara

63

Agad na pinagtibay ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa ikatlo at huling pagbasa ang panukala para sa pagtatatag ng Virology Institute of the Philippines (VIP) at Center for Disease Control and Prevention (CDCP).

Ang hakbang ng Kamara ay kasunod na rin ng naging panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang huling State of the Nation Address (SONA) na iprayoridad at madaliin na ng Kongreso ang pag-apruba sa dalawang pambansang health protection agencies.


Sa botong 198-0-0 ay naaprubahan ang House Bill 9559 o pagtatatag ng VIP habang sa botong 193-6-0 ay napagtibay naman ang House Bill 9560 o pagtatatag naman ng sariling CDCP ng bansa.

Ang pagkakaroon ng bansa ng sariling virology institute at CDCP ay makatutulong sa paglaban sa mga sakit na posibleng umusbong sa hinaharap.

Sa HB 9559 ay itatatag ang virology research institute sa bansa upang mapag-aralan ang detection at limitasyon sa pagkalat ng virus gayundin ang makalikha ng bakuna bilang long-term protection at gamot.

Magsisilbi itong premier research at development institute sa field of virology na sakop lahat ng uri ng virus at viral diseases na matatagpuan sa mga tao, halaman at mga hayop.



Samantala ang CDCP naman sa ilalim ng HB 9560 ay magsisilbing hiwalay na ahensya na nasa ilalim ng kontrol ng Department of Health (DOH) na sesentro sa pagpigil ng mga kumakalat na communicable o infectious disease.

Ang CDCP ang siyang magpapatupad ng mga polisiya, magsasagawa ng surveillance at pag-aaral, disease control, prevention at response sa mga sakit na bigla na lamang umuusbong o iyong mga rapid o sudden onset health hazards and emerging diseases tulad ng Novel Coronavirus.


Facebook Comments