Pagtatayo at pagsasaayos ng iba’t ibang paliparan sa bansa, may sapat na pondo para ngayong taon

Tiniyak ni House Appropriations Committee Vice Chairperson at Makati City Rep. Luis Campos Jr., na may sapat na pondo ang pagtatayo at pagsasaayos ngayong taon ng iba’t ibang paliparan sa bansa.

Diin ni Campos, nasa ₱3.1 billion ang nakapaloob sa 2023 budget para sa construction, rehabilitation, at improvement ng aviation infrastructure sa ilalim ng Department of Transportation (DOTr).

Pangunahing tinukoy ni Campos ang Zamboanga International Airport na nilaanan ng 200-million pesos para mailipat sa 17-kilometro mula sa lokasyon nito ngayon sa Zamboanga City.


Ayon kay Campos, itatayo ito sa 175-ektaryang lupain at bubuuin ng 3,440-metrong runway para makatanggap ng mas malalaking aircraft, control tower, passenger terminal, at anim na jet bridges.

Sabi ni Campos, nilaanan naman ngayong taon ng P50 million ang Vigan Airport sa Ilocos Sur P15 million para sa M’lang Airport sa Cotabato at P445 million naman para sa paliparan sa Ilocos Norte.

Dagdag pa ni Campos, intact naman ang P1.42 billion na para sa Tacloban International Airport, P500 million para sa Antique Airport, P80 million para sa Bukidnon Airport, at P43 million para sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Facebook Comments