Pagtatayo ng 3rd telco na DITO Telecommunity ng cell sites sa loob ng kampo ng militar, tuloy na ayon sa DND
Kinumpirma ni Defense Secretary Delfin Lorenzana sa budget hearing sa Kamara na tuloy ang pagtatayo ng third telco player na DITO Telecommunity Corp. ng mga cell sites sa loob ng kampo ng militar.
Paliwanag ni Lorenzana, bahagi ito ng Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at DITO.
Nais aniya ng DITO na makapagtayo ng cell towers sa loob ng mga kampo ng militar para sa security purposes tulad sa Globe at Smart.
Ngunit kinontra naman ito ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez at sinabing magkaiba ang sitwasyon ng DITO kung ikukumpara sa Globe at Smart.
Iginiit ni Rodriguez na 40% ng ownership ng DITO ay China telecom, na pagmamay-ari ng Chinese government, na kaalitan naman ng Pilipinas dahil sa sigalot sa West Philippine Sea.