PAGTATAYO NG BLOOD BANK SA CAUAYAN CITY, PUNTIRYANG MASIMULAN SA HULYO

Cauayan City, Isabela- Sa pagsisimula ng panunungkulan ni City Mayor elect Caesar “Jaycee” Dy Jr ay uunahin nitong isakatuparan ang pagpapatayo ng sariling blood bank ng Syudad ng Cauayan.

Ito ang kanyang sinabi sa isang pulong balitaan, na meron na itong pakikipag-ugnayan sa Philippine Red Cross kaugnay sa planong pagpapatayo ng blood bank partikular sa Brgy. Cabaruan.

Umaasa naman ito na sa darating na buwan ng Hulyo ay maisasagawa na ang Ground Breaking Ceremony katuwang ang Philippine Red Cross para sa itatayong gusali ng pag-iimbakan ng mga malilikom na dugo.

Kasabay nito ay ang paglulunsad din ng Smart Digital Healthcare sa Lungsod na gawing mobile ang klinika sa mga Cauayeño kung saan bibigyang pansin ang mga senior citizens, 4Ps Members, PWD o may kapansanan, at mga may commorbidities para mabigyan sila ng libreng check-up at gamot para malaman din ang sitwasyon ng kanilang kalusugan.

Sa pamamagitan ng Digital Healthcare ay malalaman agad ang pagkakakilanlan ng mga nangangailangan ng dugo mula sa isang barangay at kung wala naman ang klase ng dugo na hinahanap sa bangko ay maaari namang magdonate ang mga residente ng barangay sa mobile clinic para matugunan ang kinakailangang dugo ng pasyente.

Mas mabilis na rin aniya ito para sa pagbibigay serbisyo sa kalusugan ng mga Cauayeño.

Isa lamang din aniya ito sa kanyang mga nakalatag na proyekto sa kanyang pag-upo bilang pagpapatuloy sa Digital governance ni Bernard Dy.

Samantala, bukod sa pagpapatayo ng blood bank, tututukan din ng bagong alkalde ang pagsasaayos sa mga drainage canal para maiwasan ang malimit na pagbaha sa Lungsod kung saan ibinida nito na mayroon ng isang naumpisahang hakbang para maprevent ang mabilis na pag-apaw ng tubig sa lungsod gaya ng itinatayong Water Storm Harvesting Facility o rain water catch basin sa Brgy. Cabaruan katuwang ang DOST at Isabela State University.

Ayon kay Jaycee Dy Jr., maswerte na raw siya dahil meron nang dating direksyon ang lungsod ng Cauayan na kailangan lamang aniyang itong ituloy at pagbutihin ang mga nasimulan ni Bernard Dy gaya ng pagsulong sa 17 sustainable goals sa Lungsod ng Cauayan.

Facebook Comments