Inaasahang matatapos bago matapos ang taon ang mga Data Centers na gagamitin para makapagrehistro ang mga Pilipino para sa Philippine Identification System o PHILSYS.
Ayon kay National Economic and Development Authority (NEDA) Socio-Economic Planning Secretary Ernesto Pernia, kailangang mapabilis ang pagtatayo ng mga Data Centers upang hindi mapurnada ang pagpapatupad ng National ID.
Target ng gobyerno na maiparehistro ang lahat ng mga Pilipino sa National ID System sa kalagitnaan ng 2022.
Nitong Setyembre, isinagawa na ang pilot registrations sa higit 500 benepisyaryo ng Dept. of Social Welfare and Development (DSWD) at mga empleyado ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Ang registration process ay kinabibilangan ng screening, demographic, at biometric capturing, at printing ng transaction slip.
Ang mass registration ng Philippine ID ay inaasahang magsisimula sa Hunyo ng susunod na taon.