Pagtatayo ng Dengue Virus Testing and Screening Center, isinulong sa Kamara

Inihain ni Cebu City Rep. Eduardo Roa Rama ang House Bill 4607 o panukalang pagtatayo ng Dengue Virus Testing and Screening Center sa bawat syudad at munisipalidad sa buong bansa.

Binanggit sa panukala ang naitalang mahigit 64,000 na mga kaso ng dengue sa bansa mula noong Enero hanggang Hunyo 2022, kung saan mahigit 270 ang nasawi.

Sinabi ni Rama na sa kasalukuyan ay wala pang gamot para sa dengue, pero maaari itong maagapan sa pamamagitan ng “early diagnosis” at tamang pamamahala.


Sa ilalim ng panukala ni Rama, ang mga itatayong Dengue Virus Testing and Screening Center ay magbibigay ng libreng rapid diagnostic test sa mga hinihinalang dinapuan ng dengue o sa mga taong nagmula sa lugar na may malaking banta o kaso ng dengue.

Base sa panukala ni Rama, ang naturang center din ang magpapakalat ng mga tamang impormasyon ukol sa dengue, at magtuturo ng “detection, control at management” laban dito.

Facebook Comments