Pagtatayo ng makapangyarihang ahensya para sa sakuna at trahedya, iginiit ng isang senador

Manila, Philippines – Mas pinalakas at mas makapangyarihang ahensya ng gobyerno ang kailangan ng bansa sa mga panahon ng trahedya tulad ng naganap na malakas na paglindol sa bahagi ng Luzon at Visayas.

Ito ang iginiit ni Senator Sonny Angara kasabay ng pagpapaabot ng pakikiramay sa mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay, dulot ng naturang trahedya.

Diin ni Angara, ang naganap na lindol ay patunay na dapat magkaroon tayo ng isang institusyon na malayang magpapatupad ng kanyang responsibilidad partikular sa panahon ng krisis at kalamidad.


Sa ngayon ay nananatiling nakabinbin sa Senate Committee on National Defense and Security ang panukalang Disaster Resilience Act.

Nakapaloob sa panukala ang pagtatatag ng Department of Disaster Resilience na mangunguna sa pagharap sa mga trahedya at emergency situations saan mang panig ng bansa.

Paliwanag ni Angara, mahalagang magkaroon ng ganitong ahensya ang Pilipinas bilang isa sa mga bansa sa buong mundo na madalas tamaan ng iba’t ibang kalamidad.

Facebook Comments