Pagtatayo ng medical triage sa mga lokal na gobyerno, isa sa tugon para mapaayos ang serbisyo sa COVID-19 patients

Magkakaroon na rin ng triage sa mga lokal na pamahalaan na tutugon muna sa mga na-infect ng COVID-19 para hindi sila dumeretso sa mga ospital .

Ayon kay Health Usec. Ma. Rosario Vergeire, layon nito na maibsan ang pagdagsa ng mga pasyente sa mga ospital kung saan marami rito ay mga mild o asymptomatic.

Sinabi ni Vergeire na nagpupulong ngayon ang Metro Manila Development Authority, mga alkalde ng Metro Manila, Department of the Interior and Local Government at si Health Sec. Francisco Duque III para plantsahin ang sistema.


Magkakaroon aniya ng hotline sa mga triage na ito kung saan ang health officer ng lokal na pamahalaan ang tutukoy kung dapat dalhin sa ospital ang pasyente o sa isang quarantine facility.

Konektado rin aniya ito sa One Hospital Command Center at sa mga ambulansiya para sa transportasyon ng mga pasyente.

Kasabay nito, nilinaw ni Vergeire na umiiral pa rin ang mga panuntunan ukol sa home quarantine para maiwasan ang pagkalat ng sakit.

Kabilang na rito ang pagbabantay ng barangay health response team para tugunan ang sitwasyon ng mga nagpopositibo sa mga bahay-bahay.

Nagpaalala naman si Vergeire sa mga nagpapatupad ng reverse isolation o pag-aalis sa bahay ng mga negatibo sa sakit na tiyaking may hiwalay sila na mga kuwarto para maiwasan ang hawaan sa iba pang naka-quarantine na walang karamdaman.

Facebook Comments