Patuloy ang ginagawang hakbang ng pamahalaan para masolusyonan ang matinding problema sa trapiko sa Metro Manila.
Ayon kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manny Bonoan, isa ito sa key strategic infrastructure programs ng kagawaran sa ilalim ng 2023-2028 Philippine Development Plan at 8-point socioeconomic agenda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Pagtutuunan nito ang pagpapalawak sa national road network sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga bypass, diversion roads, expressways, flyovers, interchanges at mga underpass.
Kabilang sa mga malalaking programa ngayon na magpapabilis sa biyahe ng mga motorista ang Metro Manila Skyway Stage 3, NLEX-SLEX Connector Road projects, Southeast Metro Manila Expressway, Laguna Lakeshore Road Network Project at Cavite-Laguna Expressway.
Prayoridad din ng DPWH ang pagpapatayo ng mga bagong tulay at ang isa sa landmark project na Bataan-Cavite Interlink Bridge na babaybayin ang Manila Bay at magiging pinakamahabang tulay sa buong Pilipinas sakaling matapos.
Bukod sa mga pagpapatayo ng mga imprastraktura, tutulong din ang DPWH sa Metropolitan Manila Development Authority pagdating sa road clearing at pagtatanggal ng mga obstructions sa lansangan.
Sinabi ng kalihim na kailangan ang pagtutulungan sa pagitan ng mga ahensiya ng gobyerno at private sector stakeholders para tuluyang magtagumpay ang decongestion plan.