Pagtatayo ng nuclear power plants, inirekomendang pag-aralan munang mabuti ng pamahalaan

Hiniling ng ilang mga senador kay Pangulong Bongbong Marcos at sa Philippine Nuclear Research Institute (PNRI) na pag-aralan munang mabuti ang balak na pakikipagkasundo sa South Korea, France at sa Estados Unidos kaugnay sa pagtatayo ng mga nuclear power plants sa bansa.

Ayon kay Senate Majority Leader Joel Villanueva, dapat maikonsidera ang posibleng panganib na maaaring idulot ng nuclear power plants sa mga tao at sa kapaligiran.

Kailangan din aniyang magsagawa ng masinsinang evaluation sa mga posibleng pagtayuan ng power plant lalo na kung ito ba ay uubra sa isang arkipelagong bansa tulad sa Pilipinas gayundin ang gagastusin para rito at ang itatagal bago makuha ang ‘return on investment’.


Iminungkahi ni Villanueva sa pamahalaan na sa halip na mga naglalakihang nuclear power plants ay subukan munang pag-aralan ang paggamit ng modular reactors ng power plants na aniya’y mas abot-kaya at mas kakayaning mapangasiwaan sa bansa.

Samantala, kung si Senator Risa Hontiveros naman ang tatanungin, wala aniyang katiyakan na maiiwasan ang mga nuclear accident kung ipipilit ang nuclear energy sa bansa katulad na lamang ng nangyari sa Japan at Estados Unidos.

Sa halip, ay dapat na mas magfocus aniya ang pamahalaan sa pagkakaroon ng alternative at renewable na mapagkukuhanan ng enerhiya tulad ng solar, wind at small and medium-scale hydro power na ‘endemic’ o sagana sa bansa.

Facebook Comments