Pagtatayo ng permanenteng evacuation centers, isinulong ni Senator Gatchalian

Isinulong ni Senador Sherwin Gatchalian ang pagpapatayo ng permanente, matitibay at may sapat na pasilidad na evacuation centers sa lahat ng munisipyo at mga lungsod na karaniwang nasasalanta ng mga bagyo, lindol, at iba pang kalamidad.

Nakapaloob sa Senate Bill No. 747 ni Gatchalian na bibigyan din ng prayoridad ang Local Government Units (LGUs) na walang sapat na evacuation center base na rin sa pagsusuri ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Paliwanag ni Gatchalian, sa ganitong hakbang ay mabibigyan ang mga biktima ng kalamidad ng dignidad at kapanatagan at mas mapapadali rin ang pagkumbinsi sa mga dapat lumikas kapag may maayos at ligtas na pagdadalhan sa kanila.


Giit ni Gatchalian, panahon na para isantabi ang nakagawiang paggamit sa mga eskwelahan at mga basketball court bilang mga evacuation sites.

Ipinaalala naman ni Gatchalian na ang itatayong mga evacuation center ay importanteng makasunod sa alituntunin ng National Building Code of the Philippines para masigurong matibay ang pundasyon nito at ligtas para kanlungan ng mga biktima ng kalamidad.

Facebook Comments