Kinakailangan na rin ng Pilipinas na magtayo ng permanenteng istraktura sa West Philippine Sea (WPS) katulad ng ginawa ng China.
Ito ang nakikitang paraan ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Cirilito Sobejana upang mapalakas ang posisyon ng Pilipinas sa pinag-aagawang karagatan.
Paliwanag ni Sobejana, kaya hindi naglalagay ng permanenteng istasyon ang Pilipinas sa mga iba pang isla sa West Philippine Sea maliban sa Pag-Asa island, ay dahil may kasunduan noon ang mga bansang may mga “claims” sa karagatan na paiiralin ang “status quo”.
Aniya, ibig sabihin nito ay walang mga bagong istrakturang itatayo sa lugar maliban sa pagsasaayos ng mga nakatayo na.
Ngunit para kay Sobejana dahil lumabag na sa kasunduang ito ang China, dapat na ring aniyang ikonsidera ng National Task Force on the West Philippine Sea (NTF-WPS) ang pagtatayo ng permanenteng istraktura.