Iginiit ni House Committee on Appropriations Chairman at Ako Bicol Party-list Representative Elizaldy Co ang kahalagahan na magkaroon ng pinakamalaking International Cruise Ship Terminal sa Eastern Pacific.
Diin ni Co, ang naturang terminal ang magsisilbing gateway ng mga dayuhang turista at magbibigay rin ito ng first impression kaya’t mahalagang maganda ang pasilidad at handang tumanggap ng libo-libong turista araw-araw.
Tiwala si Co na mapapalago nito ang ekonomiya ng Bicol, mabibigyan ng trabaho ang mga lokal na residente at makikilala pa ang Pilipinas sa buong mundo.
Binanggit ni Co na nasimulan na ito sa Legazpi City pero naudlot dahil sa kakapusan ng budget kaya ngayong lumalakas na muli ang ekonomiya ng bansa ay kanyang titiyakin na malaanan ito ng pondo para maisakatuparan.
Idinulog na ni Co ang naturang proyekto kay Department of Public Works and Highways Secretary Manuel Bonoan upang mabigyang prayoridad.
Pahayag ito ni Co, kasunod ng pagdaong ng Asian Cruise ng Hanseatic Nature sa Legazpi City na galing pa ng bansang Germany nitong April 30 sakay ang halos 200 German tourist.