Sa susunod na buwan ay magiging operational na ang sariling Reverse Transcription-Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) laboratory ng Philippine National Police (PNP) sa Central Visayas.
Inihayag ito ni PNP Chief General Archie Gamboa sa harap nang pagdami ng mga pulis sa Central Visayas na nagpopositibo sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Sa ngayon ay minamadali na ang pagpapatayo ng infrastructure para dito, habang hinihintay rin nila ang accreditation ng kanilang mga medical technologies na mangangasiwa sa mga machine.
Dagdag pa ni Gamboa, may sariling tauhan ang PNP Health Service sa Region 7, pero kailangan lang dumaan ang mga ito sa accreditation ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) at University of the Philippines (UP).
Ito ay para hindi na kailangang manggaling pa sa Metro Manila ang magmamando sa itinatayong laboratory sa Cebu.
Nagdesisyon ang PNP na magtayo ng RT-PCR laboratory sa Central Visayas para agad na maagapang gumaling ang mga pulis na nahahawa ng COVID-19.