Pagtatayo ng Rural Health Unit sa Pag-asa Island, malaking tulong para sa mga residente roon

Malaking tulong sa mga residente ang planong pagtatayo ng Super Rural Health Unit sa Barangay Pag-asa, Kalayaan, Palawan.

Pinasinayaan nina Senate President Juan Miguel Zubiri kasama sina Senate Majority Leader Joel Villanueva at Senator JV Ejercito ang pagtatayo ng Super Rural Health Unit na pinondohan ng Kongreso ngayong taon.

Ayon kay Dennis Abacial, OIC-Municipal Health Officer ng Pagasa Island, malaking tulong sa kanilang mga residente ang pagkakaroon ng RHU dahil magkakaroon na sila ng birthing facility kung saan dito manganganak ang mga buntis.


Maliban pa rito, dito na rin i-a-administer ang mga bakuna na kakailanganin ng mga bagong silang na sanggol.

Sa ngayon aniya, tatlong buwan bago manganak ang isang buntis ay kailangang iluwas na ito sa mainland o sa Puerto Princesa at kapag may emergency, swertehan na lamang kung magamit ang eroplano ng Air Force para maibiyahe ang pasyente o kaya sasakay ng bangka na aabutin ng higit isang araw.

Inaasahan naman na sa loob ng isang taon ay matatapos ang mga nabanggit na proyekto.

Facebook Comments