Pagtatayo ng sariling ospital ng PCG, isinulong ni Sen. Ejercito

Manila, Philippines – Inihain ni Senator JV Ejercito ang Senate Bill no. 2128 para sa pagtatayo ng Philippine Coast Guard o PCG General Hospital na magbibigay ng kinakailangang serbisyong medikal sa mga kawani at pamilya ng mga ito.

Nakapaloob sa panukala na itatayo ang ospital sa Coast Guard Base Taguig sa Lower Bicutan, Taguig City.

400 million pesos ang inilatag ni Senator Ejercito na pondo para sa pagtatayo at pagsisimula ng operasyon ng PCG General Hospital at sa mga susunod na taon ay ipapaloob na ito sa pambansang budget.


Diin ni Ejercito, mahalaga na magkaroon ng sariling ospital para sa mga PCG personnel na ang buhay o kaligtasan ay nakataya sa pagtupad ng kanilang tungkulin.

Inihalimbawa ni Ejercito na delikadong trabahong ginagampanan ng mga tauhan ng PCG ang pagbibigay proteksyon sa kalikasan, gayundin ang pagsasagawa ng search and rescue operations lalo na tuwing may aksidente sa karagatan at pagpapatupad ng maritime laws.

Dagdag pa ni Ejercito, ang pagtatayo ng PCG hospital ay sang-ayon sa polisiya ng pamahalaan na magkaloob ng mas epektibo at de kalidad na serbisyong medikal sa mamamayang Pilipino.

Facebook Comments