PAGTATAYO NG STORMWATER HARVESTING FACILITY SA CAUAYAN CITY, NABUO DAHIL SA BAGYONG ULYSSES

Cauayan City, Isabela- Dahil sa naranasang hagupit ng nagdaang bagyong Ulysses, nabuo ang partnership ng LGU Cauayan City, Department of Science and Technology (DOST), at Isabela State University (ISU) para sa pagpapatayo ng Stormwater Harvesting Facility sa Lungsod ng Cauayan.

Kahapon ay isinagawa ang ground breaking ceremony ng nasabing pasilidad sa SDG Park, Cauayan City at isinunod ang MOA Signing na pinangunahan nina Vice Mayor Leoncio “Bong” Dalin Jr., Carluz Bautista ng DOST Region 2; Mr. Orlando Balderama, leader ng SWIM Program ng ISU at incoming City Mayor Jaycee Dy Jr.

Sa mensahe ni incoming City Mayor Jaycee Dy, simula palang aniya ito ng pagbabago at pagbuo ng mga proyekto na makakatulong sa mga problema sa Lungsod gaya na lamang ng madalas na pagbaha sa Lungsod sa tuwing may bagyo o kalamidad.

Sinabi nito na nagsimula ang partnership ng LGU Cauayan sa DOST at ISU matapos ang naranasang Bagyong Ulysses na tumama sa buong Lambak ng Cagayan kung saan napakagandang hakbang aniya ito para maaksyunan ang palagiang pagbaha sa Lungsod.

Masaya din nitong ibinahagi na ang Cauayan City ang Pioneer o kauna-unahan nanaman sa Lambak ng Cagayan maging sa buong bansa na magkakaroon ng Stormwater Harvesting Facility.

Magsisilbing inspirasyon din aniya ito sa iba pang syudad at bayan sa lambak ng Cagayan para sa pagbuo rin ng kanilang mga proyekto na makakatulong sa kanilang nasasakupan. Samantala, ibinida naman sa mga dumalo ni Mr. Carluz Bautista, ng DOST Region 2, ang pagbuo at kahalagahan ng nasabing teknolohiya na malaking tulong aniya para sa pagtugon sa problema sa supply ng tubig lalo na kapag summer season.

Tinitiyak naman aniya ng DOST na sa pamamagitan ng nasabing pasilidad ay magkakaroon ng ligtas, sapat at accessible water supply sa lahat ng mamamayang Pilipino.

Facebook Comments