Manila, Philippines – Pinag-aaralan ngayon ng Commission on Higher Education (CHED) ang pagpapatupad ng Return Service Agreement sa mga State Universities and Colleges at sa Local Universities and Colleges kasabay na rin ng pagpapatupad ng Republic Act number 10931 o ang libreng Edukasyon sa mga SUCs at mga LUCs.
Ang Return Service Agreement ay ang kasunduan kung saan obligadong magtrabaho sa gobyerno o di naman kaya ay sa institusyon na nagpaaral sa isang indibidwal bilang sukli sa pagpapaaral sa kanila.
Ayon kay CHED Commissioner Prospero Popoy de Vera, inaalam na nila kung paano ito maisasama sa ginagawa nilang Implementing Rules and Regulations ng Republic Act Number 10931.
Ngayon aniya ay tinitingnan na nila ang ilang modelo ng return service agreement at ito aniya ay isa rin sa rekomendasyon ng University of the Philippines.
Pero maaari din namang isama ang Return Service Agreement sa admission policies ng mga SUC at LUC pero kung ayaw naman ng mga estudyante ng Return Service Agreement at dapat magbayad ito ng matrikula.