Iginiit ni Senate Minority Leader Franklin Drilon sa liderato ng Senado na tiyaking walang pork barrel na nakasiksik sa panukalang 2020 national budget na nagkakahalaga ng 4.1-trillion pesos.
Pahayag ito ni Drilon kasunod ng report na umaabot sa 35-billion pesos na pork barrel ang nakapaloob sa panukalang pondo para sa susunod na taon.
Tiwala si Drilon na sisiguraduhin ni Finance Committee Chairman Senator Sonny Angara na pork-free ang national budget.
Hinikayat din ni Drilon ang publiko na tumulong sa pagbusisi sa budget para hindi ito malusutan ng pork barrel.
Ayon kay Drilon, handa na ang panig ng minority senators na suriing mabuti ang proposed budget sa oras na maisumite ito sa kanila upang matiyak na umaayon ito sa konstitusyon at pasya ng supreme court noong 2013 na nagbabawal sa pork barrel.
Kaugnay nito ay ipinaalala ni Drilon na pork barrel din ang dahilan kaya nadelay ng tatlong buwan ang pagpasa sa 2019 General Appropriations Act.