Pagtiyak sa disenteng quarantine facilities ang mga OFW, iginiit ng isang senador

Ikinadismaya ni Senator Win Gatchalian ang kumakalat sa social media na hindi maayos na kondisyon ng quarantine facilities para sa mga Overseas Filipino Workers o OFWs mula sa Dubai at South Korea.

Base sa mga impormasyong lumabas ay nagsiksikan umano sa shelter house ng Overseas Workers Welfare Administration o OWWA ang nabanggit na mga OFWs kaya hindi nasusunod ang quarantine protocols tulad ng social distancing na pangunahing proteksyon laban sa COVID-19.

Dahil dito ay kinakalampag ngayon ni Gatchalian ang OWWA para tiyakin na disente, malinis at hindi delikado sa hawaan ng COVID-19 ang quarantine facility para sa mga umuuwing OFWs.


Giit ni Gatchalian, may ₱19.4 billion na trust fund ang OWWA members na maaring pagkunan ng pagtustos sa repatriation at sa pagkuha ng pasilidad para sa 14 na araw mandatory quarantine ng mga dumarating na OFWs.

Iminungkahi rin ni Gatchalian na makipag-ugnayan ang OWWA sa hotel sector para sa pansamantalang quarantine areas ng mga OFWs.

Nagbabala si Gatchalian na kapag ito ay pinabayaan ay maaring matulad tayo sa Singapore kung saan nagkaroon ng second wave ng impeksyon ng COVID-19 dahil napabayaan daw ng gobyerno ang kundisyon sa mga congested area kung saan nakatira ang maraming migrant workers.

Facebook Comments