
Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na tutugisin nito ang mga abusadong taxi driver na sobra sobrang maningil.
Ayon kay PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr., nag-isyu na sila ng direktiba sa lahat ng ground units para paigtingin ang presensya ng mga kapulisan sa mga transport hubs para agad na makatugon sa mga reklamo kaugnay ng sobrang paniningil.
Ang hakbang na ito ay kasunod ng naging viral na insidente sa social media kung saan may isang taxi driver sa Cebu ang umano’y naningil nang sobra sa Korean pop star na si Soobin habang nagbabakasyon ito sa Pilipinas nitong Semana Santa.
Ayon kay Nartatez, kailangang matugunan ang ganitong ilegal na gawain dahil nakasisira ito sa reputasyon ng bansa.
Dahil dito ay inatasan ang Aviation Security Group (AVSEGROUP) at Highway Patrol Group (HPG) na tumulong sa mga territorial unit, lalo na sa mga urban area, at makipag-ugnayan sa iba pang ahensya ng gobyerno gaya ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para mas paigtingin ang operasyon.
Kasama sa gagawing hakbang ng pulisya ay ang pagbibigay ng sapat na impormasyon sa mga pasahero tungkol sa tamang pamasahe at kung paano i-report ang mga abusadong driver.










