Matapos ang deadline para sa pagpaparehistro ng SIM card ay iginiit ni Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte sa mga awtoridad na gawing puspusan ang pagtugis sa iba’t ibang grupo o indibidwal na nasa likod ng text scams, at identity theft para sa hindi awtorisadong bank withdrawals, at iba pang uri ng cellphone-base fraud.
Sabi ni Villafuerte, dapat habulin ng otoridad ang mga lumalabag sa SIM Registration Law gayundin sa Cybercrime Prevention Act matapos ihayag ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. na ang “cyberattacks” ay kasama na sa listahan ng national security threats sa ating bansa.
Kasabay nito, ay hiniling naman ni Villafuerte sa tatlong public telecommunications entities gayundin sa Department of Information and Communications Technology (DICT) at National Telecommunications Commission (NTC) na paigtingin ang information drives.
Sabi ni Villafuerte, ito ay upang maipaalam sa mamamayan ang mga bagong modus ng mga sindikato o indibidwal na patuloy sa panloloko kahit ipinapatupad na ang SIM Registration Law at iba pang mga batas.
Sa impormasyon ni Villafuerte ay may mga scammers na bumibili o nagbebenta ng pre-registered SIMs o kaya ay gumagamit ng mga messaging app tulad ng Messenger, Viber, Telegram and WhatsApp.
Kaugnay nito ay tiniyak ni Villafuerte na gagamitin ng Kongreso ang kanilang oversight functions, upang bantayan ang tamang pagpapatupad sa SIM Registration Law.