Nababahala si Vice President Leni Robredo sa pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa Visayas at Mindanao.
Partikular na tinukoy ng bise presidente ang pangunguna ng Davao City sa mga lungsod sa buong bansa na nakapagtatala ng pinakamataas na kaso ng COVID-19 kada araw.
“Medyo nakaka-alarm ito kasi mas mataas siya kesa Quezon City. All over the Philippines, most populated yung Quezon City, almost 3 million, ang Davao 1.8 [million] as of 2020,” ani Robredo sa programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila.
“So, the mere fact na mas mataas siya, mas alarming kasi mas konti yung kanyang population.”
Kaugnay nito, iminungkahi ni Robredo na gawin sa Davao City ang kaparehong pagtugon na ginawa noon sa Cebu noong Hunyo 2020 matapos na sumipa muli ang kaso ng COVID-19 sa lungsod.
Katunayan, kahit tumataas ang kaso sa ilang bahagi ng Visayas, mapapansin aniya na kontrolado pa rin ang kaso ng COVID-19 sa Cebu.
“Tingin ko ‘yung mga lessons sa Cebu, makakapulot ng aral ‘yung Davao. Kasi syempre, medyo iba ‘yung characteristics ng lugar kumpara sa Metro Manila.”
“Ngayon na nag-i-spike ‘yung Wester Visayas, Mindanao, ‘yung Central Visayas, sa Cebu controlled siya… So, makakatulong na tingnan kung ano yung ginawa sa Cebu,” dagdag niya.