Pagtugon sa pandemya, dapat i-level up ng gobyerno para mahadlangan ang pagkalat ng Delta variant

Iginiit ng mga senador sa pamahalaan na mag-level up sa pagtugon sa pandemya upang mapigilan ang lalong pagkalat pa ng COVID-19 Delta variant.

Diin ni Senator Nancy Binay, mas nakakamatay ang variant ngayon ng COVID-19 kaya dapat mag-level up ang mga hakbang ng Inter-Agency Task Force at Department of Health (DOH) dahil hindi na ito uubra ngayon.

Ayon kay Binay, dapat mas mabilis, mas agresibo, mas organisado, at mas maagap ang aksyon, pahusayin din ang contact tracing system at linawin o higpitan ang border controls gayundin ang health protocols.


Sabi naman ni Senator Panfilo “Ping” Lacson, hindi na dapat maulit ngayon ang mabagal na hakbang at mga pagkakamaling nagawa noong nakaraang taon kaya nakapasok at kumalat sa bansa ang COVID-19.

Ang tinutukoy ni Lacson ay ang miserableng contact tracing sa mga pasahero sa eroplano na nakasalamuha ng Wuhan couple na nakapasok sa bansa at ang atrasadong pagsasara ng ating borders sa mga biyahero mula Wuhan, China.

Mungkahi naman ni Senator Joel Villanueva sa pamahalaan, i-level up o palakasin ang recruitment ng health workers na maaaring simulan sa 5,008 na bagong nurse sa nakalipas na board exams.

Binanggit ni Villanueva na isa ring pagkukunan ng gobyerno ay ang 1,234 na bagong doktor na pumasa sa board exams nitong Mayo.

Katwiran ni Villanueva, kailangan na ngayon ng reinforcements ang ating mga frontliners na 16 na buwan nang lumalaban sa pandemya at ngayon ay haharap naman sa Delta at iba pang COVID-19 variant na mas delikado at mas mabilis makahawa.

Facebook Comments