Pagtugon sa posibleng epekto ng Bagyong ‘Tino’ sa suplay ng kuryente at petrolyo sa bansa, pinaghahandaan na ng energy sector

Habang patuloy na nananalasa ang Typhoon Tino sa mga bahagi ng Katimugang Luzon, Visayas, at Mindanao, agad na inatasan ng Department of Energy (DOE) ang Task Force on Energy Resiliency (TFER) katuwang ang National Inter-Agency Coordinating Cell (NIACC) upang maghanda sa magiging epekto nito.

Ayon sa Energy Department, ipinatupad ng mga kinatawan ng energy sector ang pre-disaster risk assessments at emergency response protocols upang maagapan ang posibleng epekto ng bagyo at matiyak ang agarang pagpapanumbalik ng serbisyo ng kuryente at suplay ng gasolina sa mga apektadong lugar.

Sinabi ni DOE Undersecretary Felix William B. Fuentebella ng Task Force on Energy Resiliency, nakikipag-coordinate na sila sa mga power generators, transmission providers, distribution utilities, electric cooperatives, at mga fuel suppliers upang matiyak ang mabilis at maayos na pagpapanumbalik ng serbisyo.

Patuloy naman ang koordinasyon ng DOE sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na nakapaghanda na ng mga komunikasyon, kagamitan sa pagkumpuni, at mga lineman na nakaantabay sa mga lugar.

Upang matiyak ang energy security sa panahon ng bagyo, patuloy na mino-monitor ng DOE ang fuel supply chain at nakikipag-ugnayan sa mga industry partners upang matiyak ang sapat na imbentaryo para sa mga emergency services at critical facilities.

Ayon sa ahensya, maiging maghanda ang mga kabahayan ng emergency kit na may mga flashlight, baterya, inuming tubig, at pagkaing hindi madaling masira.

Siguraduhing naka-charge din ang mga cellphone at alam din ang hotline ng power provider para sa agarang tulong.

Facebook Comments