Sumang-ayon ang apat na kandidato sa pagkapangulo sa pangangailangang tugunan ang teenage pregnancy sa Pilipinas.
Sa “Usapang Halalan 2022: The CBCP Election Forum,” inihayag nina labor leader Leody de Guzman, dating Defense Secretary Norberto Gonzales, Senator Manny Pacquiao, at Vice President Leni Robredo ang kanilang pagtutol sa aborsyon.
Para kay Robredo, ang mga simbahan ay dapat maging katuwang ng gobyerno kasama ng komunidad sa pagpigil sa teenage pregnancy.
Aniya, ang kaniyang tanggapan ay mayroong umiiral na programa sa pakikipagtulungan sa United Nations Population Fund bilang pagkilala sa gravity ng usaping ito kung saan dapat gawin ng gobyerno na maabot ang tulong para sa mga nabubuntis.
Sinabi naman ni Pacquiao na ang sex education sa paaralan ay dapat ding nakasentro sa Diyos.
Ang pasanin aniya ng pagtuturo ng paksang ito sa mga bata ay dapat ding magmula sa mga magulang.
Sinabi naman ni Gonzales na hindi dapat iwanan ng kanilang pamilya o ng estado ang mga anak na ipinanganak sa mga teenage mother.
Iginiit naman ni De Guzman na dapat ding tugunan sa usaping ito ang kawalan ng kabuhayan, out-of-school youth, at access sa internet pornography.
Dapat aniyang ituro sa paaralan ang sex education at pregnancy na sumasaklaw sa pangangailangan ng mga lalaki at babae na maging responsable para sa kanilang sarili.