Pagtukoy sa pananagutan ng mga bangko na sangkot sa scam, ipinalalatag ng isang kongresista

Isinusulong ni Deputy Speaker Bernadette Herrera na maglatag at tukuyin ang pananagutan ng mga bangko sa mga insidente ng scam.

Bunsod nito ay hiniling ni Herrera na pangunahan na ng Kamara ang agad na paglulunsad ng imbestigasyon sa bank scams upang maprotektahan ang publiko dito, electronic man o sa ibang pamamaraan.

Naging mainit na paksa aniya ang mga scam sa mga bangko lalo na ang paggamit ng online banking at iba pang digital service platform nitong patapos ang 2021 kaya naman mahalagang matukoy ang saklaw at limitasyon ng pananagutan ng isang bangko na sangkot sa scam incident.


Kung hindi aniya matutukoy ang liability ng isang bangko ay walang mangyayari sa mga nangyayaring banking scam kundi mistulang “witch-hunt” at turuan ng may kasalanan.

Maaari namang pagbatayan para sa paglikha ng parameters sa accountability ng institusyon ang nangyaring RCBC fund scam noong 2018.

Ang branch manager nito na si Lisa Arzaga sa Garnet Road branch ay nakatangay ng pera mula sa kanilang mga kliyente dahil sa pinalabas nitong isang investment na kalauna’y scam pala.

Facebook Comments