Inaasahang magpapatuloy pa ang mga inspeksiyon at pagbisita ng mga otoridad sa iba’t ibang mga bodega sa susunod na araw.
Ito ang binigyang diin ni Press Secretary Trixie Cruz -Angeles sa harap ng kagusutuhan ng gobyerno na matukoy ang tunay na estado ng suplay ng asukal sa bansa.
Sa briefing sa Malacañang, sinabi ni Angeles na nasa bahagi pa rin sila na kailangang masiyasat ang mga may hawak ng asukal kabilang na rito ang mga lehitimo o hindi naman sangkot sa smuggling.
Nais din aniya na matukoy ng pamahalaan kung ang mga lehitimong negosyante ay nagho-hoard o iniipit ang mga stock nilang asukal.
Binibigyan naman aniya ng pagkakataon ang mga ito na ipaliwanag ang kanilang panig para makasagot.
Sa ganitong paraan, ayon kay Angeles ay matatantiya ng gobyerno kung tama bang mag-import ng asukal at gaano kadami ang dapat angkatin kung sakali man.