Hindi dapat tingnan bilang kompetisyon ang ginagawang pagtulong ng Office of the Vice President (OVP) sa mga frontliners sa gitna ng krisis sa COVID-19.
Ito ang pahayag ni Vice President Leni Robredo, matapos hilingin ni Presidential Anti-corruption Commission (PACC) Commissioner Manuelito Luna sa NBI na imbestigahan siya dahil sa hiwalay nitong COVID-19 response para sa mga healthcare workers na tila nakikipag-kompetensya at nilalamangan ang pamahalaan.
Giit ng Bise Presidente, hindi ito panahon para magsilipan. Sa halip, dapat ay magpakita aniya ng kooperasyon ang bawat sektor para ma-inspire din ang publiko na tumulong sa gobyerno.
Katunayan, ayon pa kay Robredo, nakatulong ang ginawang pagkwestyon ni Luna dahil kahit papano ay nalaman ng mga tao ang ginagawa ng OVP. Matatandaang kinuwestyon ni Luna ang libreng shuttle service, dormitoryo at donasyong personal protective equipment ng OVP para sa mga healthcare workers.
Sinibak na ni Pangulong Rodrigo Duterte si Luna.