Inihayag ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Archie Gamboa sa kaniyang talumpati sa pagdiriwang ng ika-119 na anibersaryo ng police service na matatapos at mapagtatagumpayan ng lahat ang laban kontra COVID-19.
Sa temang “Towards a Pandemic-Resilient PNP: Adopting Protective Protocols in the New Normal”, inihayag ni Gamboa na nananatiling matatag ang kanilang organisasyon at handang tumugon sa anumang hamon kasama na ang pagiging fronliner sa laban sa COVID-19.
Sa seremonya, kinilala nya ang sakripisyo ng mga pulis na nagpapatupad sa health protocol ng gobyerno.
Sinabi ni PNP Chief na sa kabila ng mahigit 2,000 ang tinamaan ng COVID-19 sa PNP, walang time out na mangyayari sa kanila dahil tuloy lang ang pagtupad ng kanilang tungkulin.
Inisa-isa rin ni Gamboa ang accomplishment ng PNP sa nakalipas na taon kabilang na ang pagpapalakas ng human resources sa pamamagitan ng tuloy- tuloy na recruitment, pinaigting na internal cleansing campaign, mas mababang index crime at pagkakahuli ng mga high value target.
Samantala, sa programa, pinarangalan naman ang mga natatanging pulis dahil sa iba’t ibang accomplishment kasama na ang kampanya sa COVID-19.
Kabilang sa binigyan ng parangal ay sina PNP Deputy Chief for Administration at Administrative Support to COVID-19 Operations Task Force Commander Lt. Gen. Camilo Pancratius Cascolan at Joint Task Force COVID Shield Commander Police Lt. Gen. Guillermo Eleazar.