Pagtutok sa development ng Northern Luzon, hiniling sa Kamara

Manila, Philippines – Pinaaaprubahan agad sa Kamara ang paglikha ng Northern Luzon Growth Quadrangle Development Authority.

Ito ay matapos na aprubahan ng House Special Committee on North Luzon Growth Quadrangle at Committee on Government Enterprises and Privatization ang House Bill 4995 na layong paunlarin ang socio-economic development sa mga probinsya, lungsod at munisipalidad ng Ilocos Region, Cagayan Valley Region at Cordillera Administrative Region (CAR).

Layunin ng panukala na palakasin ang turismo, kalakalan, pamumuhunan, pagdami ng trabaho, pagsasaayos ng imprastraktura at iba pang pagpapaunlad sa ekonomiya ng Hilagang Luzon.


Nauna ng nilikha noong Estrada at Arroyo administration ang Northern Luzon Growth Quadrangle Development Authority at North Luzon Development Plan Management Office ngunit ito ay binuwag sa ilalim ng Aquino administration.

Ayon kay Ilocos Sur Rep. Deogracias Victor Savellano, napapanahon na para maibalik ang tanggapan sa Northern Luzon upang matiyak ang pag-unlad ng rehiyon.

Ang panukala para sa pagbuo ng Northern Luzon Growth Quadrangle Development Authority ang siyang responsable sa direksyon, koordinasyon at pamamahala sa buong development ng Northern Luzon.

Naniniwala si Savellano na makakatulong ito para makilala at magawang makipagsabayan ng rehiyon sa ibang lugar at maging sa ibang mga bansa sa Asya.
Nation

Facebook Comments