Pagtutuloy sa NLE sa Hulyo, makakatulong para madagdagan ang healthcare workforce ng bansa

Suportado ni Speaker Lord Allan Velasco ang desisyon ng Professional Regulation Commission (PRC) na ituloy ang board exam ng unang batch ng 2021 Nursing Licensure Examination (NLE) ngayong Hulyo sa halip na sa Nobyembre.

Ito ang naging tugon ni PRC Chairman Teofilo Pilando Jr., kasunod na rin ng naunang pahayag ni Velasco na ang mga nursing graduates na naudlot ang pag-e-exam ngayong Mayo dahil sa pandemya ay gamitin munang complimentary manpower o dagdag na pwersa dahil kulang na ang health workers sa bansa.

Ayon kay Velasco, welcome development ito dahil madaragdagan na ang mga healthcare workers sa bansa na mas lalong naramdaman ang kakulangan mula nang tumama ang krisis na COVID-19 pandemic.


Sa Hulyo 3 at 4 isasagawa ang pagkuha ng NLE ng unang batch habang sa Nobyembre 21 at 22 naman ang second batch ng mga sasailalim sa nursing board exam.

Sa ipinadalang liham ni Pilando kay Speaker ay nakasaad dito na lubos niyang nauunawaan ang pangangailangan na magsagawa na ng NLE upang madagdagan na ang pwersa ng healthcare system ng bansa.

Tiniyak naman ng PRC sa Kamara na isasaalang-alang ang kaligtasan at kapakanan ng mga examinees at examination personnel.

Facebook Comments