Papayagan na simula bukas, November 17 ang mga fully vaccinated health workers na mabakunahan ng booster shots sa Pilipinas.
Sa inilabas na pahayag ng Department of Health (DOH), inirekomenda nito ang Moderna, Pfizer, at Sinovac bilang booster shots anuman ang brand na tinanggap sa una at ikalawang doses.
Iniaalok din ng DOH ang Sinovac para naman sa mga fully vaccinated health workers na nakatanggap ng Sinovac.
Ngayong araw, November 16 ilalabas ng National Vaccine Operations Center ang panuntunan sa pagtuturok ng booster shots sa bansa.
Matatandaang una nang inihayag ng gobyerno na tanging ang healthcare workers, immunocompromised, at matatanda ang unang makakakuha ng booster shots sa bansa dahil sila ang nasa risk ng hawaan.
Aabot sa P45 billion ang inilaan ng DOH bilang budget sa COVID-19 boosters shots.